• Kasaysayan sa Karton at Entablado

    Makalipas ang ilang dekada, muling huminga, dumilat, gumalaw, at nagsalita sila Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Emilio Aguinaldo sa katauhan ng mga mag-aaral ng 6-Martines  sa pamamagitan ng kanilang proyektong “Caricarton!” Mula sa kanilang imahinasyon at kahusayan sa pagguhit at pag-arte, nakilala nila ang mga matatapang at tanyag na Pilipino na ipinaglaban ang ating bansa mula sa mananakop na Espanyol. 

    Simpleng illustration board at mga materyales pangkulay at pangdekorasyon lamang ang kailangan nila upang maisagawa ito. Nagsaliksik sila tungkol sa talambuhay ng mga bayani at iginuhit ang katawan ng mga ito sa illustration board na kanilang binutasan. Kinulayan nila at nilagyan ng kani-kanilang mga dekorasyon ang illustration board.

    Matapos nito, naghanda sila ng maikling talumpati tungkol sa talambuhay at naiambag ng kanilang napiling mga bayani sa pagbawi ng kalayaan at pagsulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Halong kaba at tuwa ang naramdaman ng mga mag-aaral sa kanilang pagsuot sa kanilang mga Caricarton at pag-arte sa harap ng klase. Tila ba binuhay ng mga mag-aaral ang mga bayaning Pilipino gamit lamang ang illustration board at ng kanilang pag-arte.

    Sa kabila ng mabusising pagtatrabaho sa paglikha sa proyekto, tunay na naipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang husay sa pagguhit at pag-arte gamit ang Caricarton. Naging mabisang paraan ito upang makilala nila ang mga tanyag na bayaning Pilipino at mabigyang halaga ang nagawa nila para sa bansa. Mga kuwento ng nakalipas man ang paksa ng aralin sa klase, nagising naman sa kanilang mga isipan ang nahihimlay na alaala ng kasaysayang sinariwa sa karton at entablado.

     

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>